Home

Peklat

Kung anong lalim ng gabi, siya rin ng aking isip,

‘Di madaluyang antok, dahila’y aking salamisim

Palinga-linga, ‘Di mapakali

Kapag nama’y pipikit, dumidilat muli.

Likot ng isipa’y pinagbigyan

Bumangon, nagtungo sa dating aklatan.

Pagpakli ay maririnig, mga nagkalat na libro

Dito hinahanap muli aking puso.

O’ kaitagal na ng huling pumintig,

Kaitagal na, huling manlamig sa kilig.

Kapag kaharap na’y huwag sanang mautal,

Pipilitin, kahit nanliliit pa sa Taal.

Kalimutan ka nga’y kaihirap, Siyang tunay!

Meron paring kirot sa puso’t, napapa-aray,

Mga biruan natin noon at tawanan

Pati narin ang aso’t pusang asaran.

Ano mang gawin ko’y ‘di na nahanap,

Mga alaala’y di na mahagilap.

Gaya ng dati’y unti unting napagod

Tulang para sayo’y tuluyang binaon sa limot.

Siguro nga’y wala talagang pag-asa,

Kailangan na sigurong tumingin sa iba.

Una mang pag-ibig, kailangan din lisanin,

Upang  ang ‘the one’ ay magawi saamin.